MANILA, Philippines — Matapos na masaraduhan ng korte nitong Miyerkules upang magpiyansa, sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) nagpalipas ng magdamag ang aktres na si Rufa Mae Quinto kaugnay ng kasong 14 counts ng paglabag sa Section 8 ng Securities Regulation Code.
Kahapon ng umaga ay agad na nagtungo si Quinto sa Pasay Regional Trial Court Branch 111 upang maglagak ng P1.7 milyon piyansa para sa 14 na kaso P126,000 ang piyansa ng bawat kaso.
Naghain ng ‘not guilty’ plea si Quinto nang basahan ng sakdal kahapon sa pagharap sa nasabing korte. Itinakda naman ng Pasay RTC Branch 111 ang pagdinig sa Pebrero 20.
Kaugnay ng kaso, hindi itinuloy ang arraignment sa kapwa-akusadong si Neri Naig, ang maybahay ng Parokya ni Edgar vocalist Chito Miranda dahil sa mga nakabinbing mosyon.
Miyerkules nang dumating sa bansa si Quinto mula Amerika upang harapin ang reklamo ng mga investor ng Dermacare-Beyond Skin Care Solutions.
Iginiit ni Quinto na siya ay endorser lamang ng nasabing beauty clinic at walang kinalaman sa mga investment ng kumpanya.
“Wala naman akong kinalaman sa kanila. Hindi ko naman sila na-meet, or nakilala. In fact, ako din, hindi rin nabayaran. Nag-bounce lahat ng cheke. At three months lang po ako na parang ‘yung pumirma ako, tapos first down talbog, second down talbog. So puro bouncing, tapos sabi ‘sorry.’ Kinancel din nila ako as endorser,” paliwanag ng aktres.
Plano ni Quinto na makaharap at makilala ang mga complainant upang malaman ang totoo.
Nabatid na nakaranas ng highblood si Quinto sa kanyang overnight stay sa NBI.