MANILA, Philippines — Tukoy na ng Philippine National Police (PNP) ang person of interest sa pagpatay kay Southeast Asian Games (SEA) gold medalist Mervin Guarte sa Oriental Mindoro nitong Martes ng madaling araw.
Sa panayam sa Camp Crame kay Calapan City Police chief PLt.Col. Roden Fulache, nakilala ang suspek sa pamamaslang kay Guarte batay sa kuha ng CCTV habang tinitignan na ‘personal grudge’ ang motibo sa krimen. Matagal na umanong kakilala ni Guarte ang suspek.
“Ang nakikita po namin baka may matagal nang kinikimkim na galit itong suspek. Siguro, tinimingan kaya nang makakita siya ng pagkakataon doon niya ginawa ‘yung krimen,” ani Fulache.
Agad na pinuntahan ng mga pulis ang bahay ng suspek subalit hindi na nila ito naabutan.
Samantala, sinabi naman ni Fulache na wala pang surrender filler ang suspek.
Umaasa ang PNP na mareresolba ang kaso ngayong linggo kasabay ng manhunt operation laban sa suspek.
Magugunitang nasawi si Guarte makaraang saksakin sa dibdib habang natutulog sa bahay ng kaibigang Konsehal sa Calapan City.