60K deboto, dumagsa sa Walk of Thanksgiving para sa Poong Nazareno
MANILA, Philippines — Tinatayang nasa 60,000 deboto ang sumama sa “Walk of Thanksgiving” sa Quiapo, Manila kahapon, na hudyat ng pagsisimula ng selebrasyon para sa pista ng Itim na Nazareno sa Enero 9.
Ayon kay Alex Irasga, Technical Adviser ng Quiapo Church, ‘basbas’ ang naranasang pag-ulan na hindi inalintana ng mga deboto habang sinusundan ang para sa Itim na Nazareno, na lulan ng isang dilaw na karosa.
“Approximately ang tantsa namin sa bilang ng mga dumalo ay more or less mga 60,000 to 70,000. Inasahan po namin na uulan at napagpasyahan po namin, uulan man o hindi itutuloy. Fortunately po ‘yung ulan hindi naman po buhos talaga. Kumbaga para lang tayong nakatanggap ng basbas,” ani Irasga.
Sinimulan ang prusisyon dakong alas-12:01 ng madaling araw kahapon mula sa Quiapo Church.
Nag-aawitan ang mga deboto ng papuri para sa poon habang nagpuprusisyon at ang iba naman ay naghahagis ng panyo upang maipunas sa imahe.
Mag-a-alas-2:00 ng madaling araw nang maibalik ang poon sa simbahan, kung saan sinalubong ito ng fireworks at mga awitan.
Ayon sa Quiapo Church, matapos ang Walk of Thanksgiving ay magsasagawa naman ng barangay visitation mula Enero 1 hanggang 6.
Kabilang din sa magiging highlight ng pista ang Pahalik at ang pinakaaabangang Traslacion.
Inaasahan namang magpapakalat ang Philippine National Police (PNP) ng nasa 13,000 unipormadong personnel sa bisinidad ng Quiapo upang tiyaking magiging maayos at ligtas ang pagdaraos ng okasyon.
- Latest