8K pulis ikakalat sa Metro Manila - NCRPO
Ligtas na Pasko tiniyak
MANILA, Philippines — Tiniyak ni National Capital Police Office (NCRPO) chief PBGen. Anthony A. Aberin na magiging ligtas ang holiday season kung saan inaasahan ang dagsa ng mga tao sa mga transport terminal, pamilihan at mga simbahan.
Ang paniniyak ay kasabay ng pagpapakalat ng nasa 8,000 pulis sa mga strategic na lugar sa Metro Manila.
Sinabi ni Aberin na malaking tulong pa rin ang pagpapaigting at pagpapatupad ng police visibility laban sa mga kriminal. Aniya, kadalasang umaatake ang mga criminal tuwing holiday season kung saan marami ang abala sa pamimili.
Ayon kay Aberin, maglalagay din sila ng mga “Able, Active, and Allied” police sa mga police assistance desk upang agad na maayudahan at marespondehan ang sinumang nangangailangan ng tulong.
Payo ni Aberin sa publiko, agad na makipag-ugnayan sa mga pulis at ibigay ang tiwala sa kanila.
“Kakampi niyo ang mga pulis at huwag katakutan”, ani Aberin.
Aniya, maging ang mga force multipliers ay magiging katuwang ng mga pulis sa pagbibigay seguridad ngayong Kapaskuhan.
Kasabay nito, hinimok ni Aberin ang publiko na manatiling mapagbantay, lalo na sa mga matataong lugar, at agad na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa mga awtoridad.
Dagdag pa ni Aberin, nais nilang masiguro na maipagdiriwang ng lahat ang Pasko ng masaya at ligtas.
- Latest