MANILA, Philippines — Apat katao ang patay na kinabibilangan ng isang paslit, habang tatlo pa ang sugatan nang mawalan ng preno ang isang 16-wheeler truck at araruhin ang tatlong motorsiklong sinasakyan ng mga ito kahapon ng madaling araw sa Pasig City.
Hindi kaagad pinangalanan ng mga awtoridad ang mga nasawing biktima ng tatlong magkakaanak, na ang isa ay 4-taong gulang lamang na batang lalaki, at isang motorcycle rider.
Sila ay kaagad na binawian ng buhay bunsod ng tinamong matinding pinsala sa ulo at katawan.
Samantala, nagpapagaling naman sa di tinukoy na ospital ang dalawa pang biktima na nagtamo ng mga bali sa braso at tadyang habang ang isa pang biktima, na angkas ng isa sa mga motorsiklo ay nakalabas na ng pagamutan matapos malapatan ng lunas sa tinamong minor injury.
Kinilala lamang naman ang suspek sa alyas na ‘Boy,’ na nakapiit na at mahaharap sa patung-patong na kaso.
Batay sa ulat ng Pasig City Police, naganap ang aksidente sa Ortigas Avenue, kanto ng Lanuza Avenue sa Pasig City dakong alas-4:30 ng madaling araw.
Nauna rito, binabaybay umano ng tatlong motorsiklo na sinasakyan ng pitong biktima ang eastbound lane ng Ortigas Avenue nang bigla na lang mawalan ng preno ang kasunod nilang truck, na may kargang saku-sakong bigas.
Dahil dito, inararo umano ng truck ang mga motorsiklo, na nagresulta sa pagkasugat ng mga biktima at pagtapon ng daan-daang sako ng bigas sa kalsada.
Mabilis namang rumesponde ang mga awtoridad sa aksidente ngunit nasawi rin ang apat sa mga biktima.