Dahil kay Pepito
MANILA, Philippines — Bunsod ng pananalasa ng bagyong ‘Pepito’, nag-alok ng libre parking ang tatlong malalaking malls sa Metro Manila sa mga sasakyang mai-stranded.
Ito naman ang sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kasabay ng inaasahang mga pagbaha dahil sa pananalasa ni ‘Pepito’.
Ayon sa MMDA, papayagan ng SM, Ayala at Robinson’s sa Metro Manila ang libreng overnight parking para sa mga sasakyan sa gitna ng inaasahang pagbaha sa iba’t ibang parte ng Kamaynilaan dahil sa matinding ulan na hatid ni ‘Pepito’.
Madalas na ring inaalok ng mga malls ang kanilang mga parking space sa tuwing may mga bagyo upang maiwasang malubog sa baha ang kanilang mga sasakyan.
Batay sa report, alas 4 ng madaling araw kahapon nang mamataan sa layong 85 kilometers northeast ng Daet, Camarines Norte ang bagyong Pepito habang kumikilos pa-Silangan ng Bicol region.
Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na may lakas ng hangin na 185 kilometers per hour (kph) ang bagyong Pepito malapit sa gitna.
Paalala ng MMDA, huwag nang umalis ng bahay kung hindi mahalaga ang pupuntahan at mag-antabay na lamang ng mga paalala mula sa pamahalaan.
Samantala, ininspeksyon kahapon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Don Artes ang mga naka-preposition na emergency vehicles at equipments, ospital at evacuation centers na gagamitin sa responde sa posibleng epekto ng bagyong Pepito.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, malaking tulong ang teknolohiyang ito para makapagbigay ng assistance sa ibang LGUs sa ibang lugar sa Metro Manila na magkukulang ng resources.
Kasama si MMDA General Manager Usec. Procopio Lipana, ininspeksiyon ni Artes ang mga MMDA assets na bahagi ng bagong programa na sinisiguro ang mas mabilis at mas maayos na responde sa tuwing may bagyo sa Metro Manila.
Madali ring matutukoy kung saan ang pinakamalapit na rescue kung may report na nangangailangan ng tulong o responde.
Kabilang sa nakahanda for deployment ang 2 aluminum boats, 4 rubber boats na pinaandar ng makina, 5,000 life vests, solar-powered water purifiers, clearing equipment gaya ng mga chainsaw at rotary saw, modular tents, ambulansiya, tow trucks, rapid response vehicle, at military truck ng ahensiya sakaling kailanganin ng Metro Manila.
Fully operational at nasa good running condition ang 71 pumping stations na inooperate at minimintina ng ahensiya.