Marikina City nakopo Seal of Good Local Governance sa ikalawang sunod na taon

MANILA, Philippines — Natanggap ng Marikina City government ang 2024 Seal of Good Local Governance (SGLG), ang ikalawang sunod na taon na nakuha ng siyudad ang prestihiyosong pagkilala sa pamumuno ni Mayor Marcy Teodoro.

Kabilang ang Marikina City sa 14 na lokal na pamahalaan ng National Capital Region (NCR) na nakatanggap ng SGLG, ayon sa listahang inilabas ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Nagpaabot ng pagbati ang Mayors for Good Governance (M4GG) kay Teodoro at iba pang mayor na kabilang sa grupo na nakatanggap ng SGLG.

“Congratulations sa 102 nating kasamang alkalde sa Mayors for Good Governance matapos parangalan ang kanilang mga LGU ng Seal of Good Local Governance 2024,” wika ng M4GG.

Binubuo ng mahigit 150 lokal na punong ehekutibo, layunin ng M4GG na labanan ang katiwalian at ipaglaban ang transparency, inobasyon, at mabuting pamamahala.

“Nagpapasalamat tayo sa napakalaking pagkilalang ito na nakamit ng ating siyudad sa ikalawang sunod na taon sa pamumuno ni Mayor Marcy Teodoro,” wika ni Marikina 1st District Rep. Maan Teodoro.

Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Teodoro, sinimulan ng lokal na pamahalaan ang dredging ng Marikina River bilang pa­ngunahing proyekto nito. Resulta nito, nabawasan nang malaki ang pagbaha tuwing may bagyo at malakas na ulan.

Naglaan din si Rep. Teodoro ng pondo para sa patuloy na dredging, na nagpalawak sa lapad ng ilog mula 50 metro hanggang halos 100 metro, kaya’t nadagdagan ang kapasidad ng ilog at napigilan ang pag-apaw at pagbaha sa lungsod.

Show comments