P1.3 milyong shabu nasabat, 5 ‘tulak’ timbog sa buy-bust

Batay sa report na tinanggap ni QCPD Officer-in-Charge PCol. Amante Daro, puspusan ang operasyon ng Fairview Police Station 5 sa ilalim ni PLt Col. Richard Mepania at Batasan Police Station 6 sa pamumuno ni PLtCol. Romil Avenido.

MANILA, Philippines — Limang drug suspect ang bumagsak sa kamay ng Quezon City  Police District (QCPD) na nag­resulta sa pagkakasamsam ng nasa higit P1.3 milyong halaga ng shabu sa magkahiwalay na  buy-bust operations sa lungsod.

Batay sa report na tinanggap ni  QCPD Officer-in-Charge PCol. Amante Daro, puspusan  ang  operasyon ng  Fairview Police Station 5 sa ilalim ni PLt Col. Richard Mepania at  Batasan Police Station 6 sa  pamumuno ni  PLtCol. Romil Avenido.

Sa Police Station 5, nadakip sina  Johnmark Kusain, 26, residente ng Brgy. Culiat, Quezon City; Niño Dael, 30 at Lee Longay, 30 kapwa residente ng  Brgy. Tandang Sora, QC.

Bandang alas-3 ng madaling araw kahapon nang ikasa ang  buy-bust   operation laban kina  Kusain, Dael at Longay sa  Regalado Ave., cor. Bulova St., Brgy. Greater Fairview, Quezon City.

Nakuha sa mga ito ang nasa 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P680,000, isang pouch, at buy-bust money.

Dakong alas-5:55 naman ng  hapon nitong Huwebes nang makalawit ng Police Station 6 sa IBP road, Brgy. Batasan Hills, Quezon City sina Mark Joshua Abuyen, 26, ng  Brgy. Rosario, Pasig City at Roselle Lacsa, 23,ng Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.

Agad na kinumpiska ng mga  pulis ang nasa 100 gramo ng shabu na may street value na P680,000, isang Yamaha Aerox motorcycle, dalawang  helmet, dalawang cellular phones, isang pouch,  coin purse at  buy-bust money.

Nahaharap sa kasong paglabag sa  R.A. 9165 o Comprehensive Dange­rous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.

“Ang matagumpay na pagkakasamsam ng mahigit P1.3 milyong halaga ng shabu at ang pagkakaaresto  sa limang  indibidwal sa sunud-sunod na buy-bust operations ay patunay ng dedikasyon ng QCPD sa pagtutok laban sa iligal na droga”, ani Daro.

Patuloy lang ang mga anti-illegal drug operations ng  QCPD  upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga komunidad sa Lungsod.

Show comments