MANILA, Philippines — Pinasinayaan ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian ang bagong gusali ng Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela (PLV)-College of Public Administration and Governance (CPAG) bilang bahagi ng ika-401st Founding Anniversary ng Lungsod.
Ayon kay Gatchalian,ang PLV-CPAG ay matatagpuan sa dating pangunahing gusali ng PLV, na may kabuuang lugar na 1,246 metro kuwadrado.
Umaabot sa P255 milyon ang pondong inilaan ng city government sa 8-storey building na may 25 classrooms, dalawang computer laboratories, lecture hall, moot court, library, dean’s office, dalawang faculty rooms, clinic at multi-purpose room.
Sinabi ni Gatchalian na ang pagpapatayo ng gusali ay indikasyon ng kanilang dedikasyon sa pamumuhunan sa isip, puso, at kinabukasan ng mga mag-aaral sa lungsod.
“Binubuksan namin ang mga pinto sa isang legacy, isang kinabukasan na binuo sa mga halaga ng pamumuno, disiplina, transparency, at mabuting pamamahala,” ani Gatchalian.
Nagpasalamat din si Gatchalian sa kanyang kapatid na si Senator Win Gatchalian na walang sawang sumusuporta sa mga proyekto ng lungsod.
Ang PLV ay binuksan bilang isang pampublikong paaralang tersiyaryo na pinondohan ng lungsod noong 2002, at kasalukuyang ipinagdiriwang ang ika-22 anibersaryo ng pagkakatatag nito.
Nagsimula sa 450 na mga mag-aaral lamang, ang PLV ay mayroon na ngayong 12,000 mga mag-aaral at 572 dito ay nag-aaral ng Bachelor of Science in Public Administration.
Itinuturing na ring world-class ang nasabing unibersidad na may mataas na antas ng competetivenes ng mga mag-aaral.
Dumalo rin sa event sina Vice Mayor Lorie Natividad Borja, 2nd District Congressman Eric Martinez, City Councilors, DILG – Valenzuela Director Sudi Valencia, PLV President Dr. Nedeña Torralba, at PLV-CPAG Dean Dr. Michville Rivera.