MMDA at Comelec, magtutulungan para sa NLE 2025
MANILA, Philippines — Magtutulungan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Commission on Elections (Comelec) para sa 2025 National and Local Elections (NLE).
Sa pamamagitan ng memorandum of agreement, lumagda sina Comelec Chairman George Erwin Garcia at MMDA Chairman Romando Artes para sa maayos at tahimik na halalan.
Nakasaad sa kasunduan na ang dalawang ahensiya ay magkakaroon ng koordinasyon at magbabahagian ng kanilang assets para sa nalalapit na halalan.
Pagkakalooban din umano ng MMDA ang Comelec ng access sa kanilang command center, mga kagamitan gaya ng body cams, radios deployable camera, at mobile command center para sa election-related activities.
Magbibigay rin umano ang MMDA sa poll body ng manpower at logistical support upang tumulong sa mga election officers sa pagbabakbak ng unlawful election materials.
Kaugnay nito, nanawagan din si Artes sa mga kandidato na maging responsable sa paglalagay ng election materials upang hindi masayang ang mga ito kung babakbakin din ng kanilang mga tauhan.
Samantala, nagpasalamat naman si Garcia sa MMDA dahil sa pagkakaloob ng tulong sa kanila para sa halalan.
Ayon pa kay Garcia, plano nilang bigyan ng service incentive leave ang mga non-Comelec personnel na magsisilbi bilang mga ahente ng poll body sa halalan.
“And siguro, hindi man namin kayang paswelduhin o bigyan ng honoraria ‘yung lahat… sa pamamagitan man lang ng service incentive leave at iba pang klaseng benepisyo ay mai-offer natin sa kanila,” aniya.
- Latest