3 Chinese timbog sa P.5 milyong droga, 2 baril

Habang nagbabaklas ng plaka

MANILA, Philippines — Tatlong Chinese national ang inaresto matapos matuklasan ang dalang iligal na droga na umaabot sa higit P500,000, dalawang baril, at mga gamit na maiuugnay sa gawain ng criminal group, nang maaktuhang nagbabaklas ng plaka ng sasakyan sa Parañaque City, ka­makalawa.

 Sa ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/ Brig. General Bernard Yang kay Natio­nal Capital Region Police Office chief, P/Major Ge­neral Sidney Hernia, ang  mga suspek na kinilalang sina alyas “Zhenhua”, 30 anyos; alyas “Zhi”,  29; at alyas “Miu “, 26, ay sasampahan ng mga reklamong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code (Resistance and disobedience to a person in authority), Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act), RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at RA 4136 (Land Transportation and Traffic Code).

Nabatid na dakong alas-7:58 ng umaga ng Huwebes nang arestuhin ang mga suspek sa Barangay Tambo, Pa­rañaque ng mga tauhan ng Tambo Police Sub Station nang mapansin ng mga nag-iikot ang mobile patrol officers ang kanilang ang kahina-hinalang kilos sa dalawang sasakyan na nakahimpil.

 Nang lapitan, nadiskubre na pinapalitan ng mga suspek ang plate number ng mga sasakyan kaya hiniling sa kanila na magpakita ng rehistro, subali’t sa halip na tumugon ay tumakas ang tatlo kaya nauwi sa maikling habulan hanggang sa makorner.

 Sa inspeksyon, na­rekober mula kay Zhenhua ng 25 gramo ng shabu na may street value na P197,000 at isang Bersa caliber .380 pistol na may magazine at 4 bala.

 Nasa 25 gramo rin ng shabu sa halagang P197,000  ang nakuha kay Zhi habang kay Miu nakuha naman ang isang Taurus 9mm pistol na may magazine na kargado ng 10 bala at isang kilo ng marijuana na may street value na P120,000.00.

 Bukod pa rito, kinum­piska ang anim na pirasong magkakaibang license plates, mga posas at mga bala na maiuugnay sa kriminal na gawain.

Show comments