LGUs inalerto ng DILG vs ‘Kristine’

MANILA, Philippines — Inalerto ni Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor ‘Jonvic’ Remulla ang mga local government units (LGUs)  laban sa inaasahang pananalasa ng Tropical Depression (TD) “Kristine”.

Ito ay makaraang pumasok na ang bagyong Kristine sa Philippine Area of Responsibi­lity (PAR) kahapon ng umaga.

Ayon sa PAGASA, ang bagyo ay tinatayang magiging tropical storm sa susunod na 12 oras.

“Sapol ang buong silangan ng Luzon mula Aparri hanggang Legazpi at mga karatig na lalawigan. Ngayon pa lang ay may abiso na kami sa bawat LGU na ­maghanda at bantayan ang pagdating ni Kristine,” pahayag ni Remulla sa social media post.

Maaari itong umabot sa kategoryang severe tropical storm sa Miyerkules at kategorya ng bagyo sa Huwebes ng gabi o Biyernes ng umaga, bago ang pag-landfall nito sa hilagang-silangan na bahagi ng Cagayan.

Sa memorandum ng DILG nitong Lunes, inatasan ang mga LGUs na ipatawag ang kanilang Local Disaster Risk Reduction and Management Councils (LDRRMCs) para magsagawa ng pre-disaster risk assessments at regular na pagpupulong upang matiyak na angkop ang mga hakbang at aksyon para sa gagawing mga paghahanda.

Inaatasan din ang mga LGUs na buhayin ang mga barangay DRRMC para sa maagang babala at mapagbantay na pagsubaybay sa mga lugar, at ipaalam sa mga komunidad ang mga update sa panahon, at  magsagawa ng preemptive o mandatory evacuation sa mga lugar kaugnay sa posibleng storm surge, pagbaha, at pagguho ng lupa.

Hinihimok din ang mga LGUs na isagawa ang lahat ng kinakailangang aksyon batay sa mga protocol ng Operation LISTO at DILG Memorandum Circular 2024-074, na tumutukoy sa mga hakbang sa paghahanda para sa nalalapit na La Niña at tag-ulan ngayong taon.

Show comments