Ex-convict inunahan, inutas ng reresbakan

MANILA, Philippines — Isang ex-convict ang nasawi nang unahan at barilin ng dalawang lala­king kanyang pinagbantaang papatayin matapos na tumestigo sa kasong pagpatay laban sa kanya sa Port Area, Manila.

Kinilala ang biktima na si alyas ‘John,’ 26, laborer, at residente ng Gasangsan, Baseco Compound, sa Port Area habang agad naman nakalawit ang isa sa mga suspek na si ‘Ronnie,’ 27.

Pinaghahanap naman ang isa pang suspek na si alyas ‘James,’ 24.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, nabatid na dakong alas-9:20 ng gabi nang maganap ang krimen sa isang eskinita sa Block 1, Gasangan, sa Baseco Compound.

Nauna rito, nabatid umano ng mga suspek na nakalaya na ang biktima noong Oktubre 11 matapos na mabilanggo dahil sa kasong pagpatay.

Nakarating naman umano kay alyas James na pinagbabantaan silang reresbakan ng biktima dahil sa pagtestigo nila sa kaso nito.

Kaagad na pinuntahan ni alyas James si alyas Ronnie at binalaan ito.

Dahil dito, nang magkrus ang landas ng mga suspek at mga biktima ay inunahan na nila itong patayin.

Kaagad umanong bumunot ng baril si Ronnie at iniabot ito kay James, na siya namang bumaril sa biktima.

Mabilis na tumakas ang mga suspek ngunit naaresto si Ronnie sa follow-up operation.

Show comments