MANILA, Philippines — Tiniyak ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na mabibigyan ng trabaho ang mga lalayang Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa buong bansa bagamat wala na siya sa gabinete ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ang paniniyak ay ginawa ni Abalos sa ginanap na awarding ceremony nitong Linggo ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) 1st National BIDA Painting, Handicraft-making and Song-writing Challenge for Persons Deprived of Liberty (PDLs).
Ayon kay Abalos, magbibitiw na siya bilang kalihim ng DILG upang pagtuunan ang kanyang kandidatura sa pagkasenador sa 2025 midterm elections.
Sinabi ni Abalos na sa ilalim ng memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng DILG at DOLE, nakatitiyak daw na magkakaroon ng trabaho ang lahat ng PDL sa kanilang paglaya bilang bahagi ng programang “After Care” ng DILG.
“Ang importante, lahat ng nadapa ay matutulungan at dapat tumayo ulit… which is the essence of rehabilitation and correction,” ani Abalos.
Kasabay nito, matapos na masaksihan at mamangha sa mga gawang entry handicraft, painting, at mga piyesa ng mga kanta ng mga PDL sa ginanap na exhibit, pinayuhan ni Abalos si BJMP chief Director Ruel Rivera na ipagpatuloy ang patimpalak na nagbibigay ng pagkakataon sa mga napiit na ipakita ang kanilang kakayahan at kasabay nito ay tumulong sa kani-kanilang pamilya kahit nasa loob ng kulungan.
Ang mga nanalong painting, handicraft works at iba pang mga finished products ng mga PDLs ay makikita sa ground floor ng Shangrila Plaza sa Mandaluyong City na ayon sa BJMP chief ay maaaring bilhin para makatulong sa mga pamilya ng mga preso.