MANILA, Philippines — Suportado ng makakalaban ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang pagtiyak ng Commission on Elections sa patas at malinis na halalan sa lungsod sa darating na midterm elections sa susunod na taon.
Ayon sa negosyanteng si Curlee Discaya, mister ni Sarah Discaya na makakalaban ni Sotto sa halalan na wala silang ibang hangad kundi ang malinis at patas na halalan.
Sinabi rin ni Curlee na hind sila konektado at walang kinalaman sa joint venture ng South Korean Miru System, ang nanalong supplier ng technology at paraphernalia para sa halalan 2025, taliwas sa reklamo ng alkalde base sa sulat nito kamakailan sa Comelec.
Nauna namang pinawi ng Comelec ang alegasyon ni Sotto na ang pamilya ng kanyang inaasahang makakalaban sa halalan 2025 ay umano’y bahagi ng St. Timothy Construction na kasama sa grupong nabigyan ng award para sa supply contract ng technology at mga gamit sa midterm polls.
Binigyan diin ni Comelec Chairman George Garcia na hindi nila papayagan na makompromiso ang integridad ng halalan at ang St. Timothy ay kumalas na sa joint venture ng Miru Systems.
Matatandaang noong halalang 2019 kung kailan nanalo si Sotto bilang mayor ay nagkaroon ng isyu na pinaboran umano siya ng dating operator ng automated elections kaya tinalo niya ang nakaupo noon na alkaldeng si Robert ‘Bobby’ Eusebio.