MANILA, Philippines — Patay ang mag-asawang senior citizen nang ma-trapped sa nasusunog nilang bahay sa Marikina City, kahapon ng madaling araw.
Hindi na pinangalanan ang mga biktima na ang mister ay nasa 80-anyos na, habang ang misis ay 84-anyos naman.
Lumilitaw sa inisyal na ulat ng Marikina Bureau of Fire Protection (BFP) na dakong alas-12:36 ng madaling araw nang magsimulang sumiklab ang sunog sa isang dalawang palapag na tahanan sa Champaca II sa Brgy. Fortune, na pagmamay-ari at inookupa ng pamilya Ereño.
Ayon sa anak ng mga biktima, lumabas lamang siya ng bahay sandali upang bumili ng pagkain, ngunit pagbalik ay tinutupok na ng apoy ang kanilang bahay.
Nagsimula umano ang sunog sa silid ng tahanan at mabilis na kumalat sa 11 kalapit na bahay, na tahanan ng nasa 24 pamilya.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog bago naideklarang under control dakong ala-1:01 ng madaling araw.
Tuluyan naman itong naapula dakong ala-1:39 ng madaling araw.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog, na tumupok sa tinatayang aabot sa P200,000 halaga ng mga ari-arian.