MANILA, Philippines — Isang estudyante ang inaresto ng mga awtoridad matapos na mahulihan ng mahigit P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa Sampaloc, Manila kahapon ng umaga.
Ang suspek ay nakilalang si Mark dela Rosa, 28, estudyante, at residente ng Paquita St., Sampaloc.
Batay sa ulat ng Barbosa Police Station 14 (PS-14) ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong alas-6:40 ng umaga nang maaresto ang suspek sa Paquita St., kanto ng A. Mendoza St. sa Sampaloc.
Nauna rito, nakatanggap umano ang mga awtoridad ng tip hinggil sa ilegal na aktibidad ng suspek kaya’t tinarget ito sa buy-bust operation.
Isang pulis ang nagpanggap na poseur buyer at nang bentahan siya ng suspek ng shabu ay kaagad na itong inaresto.
Nakumpiska mula sa suspek ang may 150 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P1,020,000 at buy-bust money.
Ang suspek ay nakapiit na at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.