MANILA, Philippines — Nagsagawa na rin ng pamamahagi ng mga school supplies at paglilinis ng mga silid aralan sa mga pampublikong paaralan ang ilang local government kaugnay ng pagbubukas ng klase sa susunod na linggo.
Sa Mandaluyong, pinangunahan ni Vice Mayor Menchie Abalos at ng Sangguniang Panlungsod ang simbolikong distribusyon ng mga school supplies at uniporme nitong Lunes sa flag raising ceremony sa city hall sa ilalim ng Balik Eskwela 2024-2025.
Dagdag pa ni Abalos, ang bawat estudyante ay makakatanggap din mula sa pamahalaang lungsod ng reflectorized Go Bag. Aniya, lagi itong dadalhin ng mga estudyante bilang paghahanda sa mga sakuna kabilang ang tinatawag na “The Big One”.
Wala nang dahilan pa ang mga magulang upang hindi mapag-aral ang kanilang mga anak.
Namahagi rin ang pamahalaang lungsod ng mga tablets, printers at iba pa sa SDO na ibabahagi sa mga laboratory ng mga eskwelahan upang magamit ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral.
Samantala, maging ang local na pamahalaan ng Malabon, Valenzuela at Muntinlupa ay namahagi rin ng mga kagamitan ng libu-libong estudyante na papasok sa eskuwelahan sa Lunes.
Umaabot sa 55,608 ang naka-enroll sa mga public schools sa Malabon kabilang ang 39,271 elementary students, 14,758 junior high school students, at 1,579 senior high school students habang nasa 15,185 estudyante naman mula sa mga private schools kung saan 2,270 sa elementary level, 3,277 high school students, at 9,638 senior high school students.
Isinagawa naman ng City Government of Valenzuela sa pangunguna ni Mayor WES Gatchalian ang ceremonial turnover ng Balik-Eskwela School Kits and New Uniforms sa nasa 80,000 mga estudyante mula sa elementary students, kindergarten hanggang Grade 6,kabilang ang ALS at SPED.
Layon ni Gatchalian na mabigyan ng maayos at epektibong sistema ng pag-aaral ang mga estudyante.
Sa Muntinlupa, inihayag naman ni Mayor Ruffy Biazon sa turn over ceremony sa Tunasan National High School ang distribusyon ng libreng school supplies para sa 98,000 mga estudyante ng mga pampublikong paaralan.
Ang mga estudyante ng Early Childhood Education ay makatatanggap ng school bag, 2 notebook, mga lapis, isang set ng krayola, at water bottle; ang mga nasa Kindergarten hanggang Grade 12 ay mabibigyan naman ng school bag, notebooks, ballpen o pencils, pad paper, isang set ng krayola, at “MUNwalk” sneakers na nakatakdang ipamahagi sa susunod na mga linggo.