MANILA, Philippines — Nakipag-ugnayan ang Land Transportation Office (LTO) sa pamunuan ng Viber Philippines para ibalik ang access sa AksyOn the Spot hotline number na ginagamit ng ahensya para mapabilis ang pagproseso sa plastic-printed driver’s license.
Ayon kay LTO chief Vigor D. Mendoza, alinsunod ito sa kautusan ni Transportation Secretary Jaime Bautista matapos na mawalan ng access ang IT personnel ng LTO sa AksyOn the Spot hotline 09292920865 nang bahain ito nang mensahe para sa printing ng driver’s license.
Noong July 18, umabot sa 9,000 ang nag-request ng plastic driver’s license.
“On behalf of the LTO, I sincerely apologized for this incident. Be rest assured that we will continuously work on this to restore our access and eventually facilitate the printing of a plastic driver’s license of our kababayan,” ani Mendoza.
Ayon kay Mendoza, para sa mga humihiling ng driver’s license, maaring magpadala lamang sa Viber ng litrato o scanned copy ng paper-printed driver’s license.
Maari aniyang kunin ang lisensya sa LTO Central Office sa Quezon City o ipadala sa courier service.
“Tapos na po ang backlog sa plastic driver’s license kaya wala na dapat na mga motorista na gumagamit ng papel na lisensya. Kaya on the part of the LTO, patuloy tayong gumagawa ng paraan upang mapabilis ang serbisyo natin sa ating mga kliyente, sa ating mga kababayan,” dagdag ni Mendoza.