446 public schools sa QC handa na sa pasukan

MANILA, Philippines — Handa na ang lahat ng mga silid-aralan sa may 446 na pampublikong paaralan sa Quezon City para sa 448,000 ina­asahang papasok na mag-aaral simula sa July 29 para sa School year 2024-2025.

Sa QC Journalist Forum,sinabi ni Dr.Carleen Sedilla, head ng School Division Office ng QC na bago ang takdang pasukan ay magsasagawa muna sila sa lunes July 22  ng Brigada Eskuwela sa mga paaralan sa Quezon City para malaman ang mga kakulangan sa pagsisimula ng  pasukan sa July 29.

Aniya, sapat naman ang bilang ng kanilang mga guro para sa mga mag-aaral na magsisipasok sa klase.

Umaasa rin si Sedilla na hindi magagamit na evacuation center sa panahon ng kalamidad tulad ng bagyo na maraming lugar ang binabaha upang hindi maabala ang pag-aaral ng mga estudyante.

Binanggit din nito ba ipauubaya ng QC School Division sa bagong DepEd Secretary ang usapin kung ipahihinto na ang K12 sa mga paaralan na sinasabing hindi nakatulong sa pagganda ng kalidad ng edukasyon ng mga mag-aaral.

“Marami pa rin sa nga­yon ang mga nagsipagtapos ng K12 ay pumapasok sa College. Sabi after K12 puwede na pumasok ng trabaho pero hindi naman ready ang industriya na tumanggap ng K12 gra­duates. College gra­duate pa rin ang nabibigyan ng trabaho kaya seguro dapat may kahandaan ang industriya at institusyon” sabi ni Sedilla.

Sinabi pa nito na hindi kailangan ang gadget upang makatulong na mapahusay ang edukasyon ng mga mag-aaral kundi dapat silang turuan kung paano gamitin ang teknolohiya para mapabuti ang pag-aaral.

Show comments