Lalaking bagong laya, itinumba ng tandem

MANILA, Philippines — Isang lalaki na umano’y bagong laya ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng riding-in-tandem, habang sakay ng Joyride motorcycle kamakalawa ng gabi sa Brgy. Sikatuna Village, Quezon City.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Felix Palnoga Handumon, 38, ng Habay-Habay 1, Bacoor, Cavite.

Batay sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD), nangyari ang insidente dakong alas-11 ng gabi nitong Martes sa Anonas Extension corner V. Luna Street, Brgy. Sikatuna Village, Quezon City.

Ayon sa driver ng  Joyride na si alyas Arnold, pauwi ng  Cavite ang biktima nang pagda­ting sa nabanggit na lugar, sumulpot ang dalawang suspek na magkaangkas sa Yamaha Nmax motorcycle na walang plaka at pinababaril ng ilang  beses ang una.

Lumilitaw sa pagsusuri ng SOCO team ng QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni PCapt. John Agtarap, nakuha sa crime scene ang tatlong deformed na basyo habang nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa katawan ang biktima.

Sa isang ulat, kalalaya pa lamang umano ng biktima mula Camp Karingal dahil sa kasong pagnanakaw nang “itumba” ng tandem.

Show comments