Nurse na lider tugis pa!
MANILA, Philippines — Arestado ang tatlong sangkot sa “organ trafficking” o “organ for sale” syndicate na nagbebenta ng bato o kidney ng tao sa isinagawang raid ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagresulta sa pagkakasagip sa 9 na biktima sa isang tagong lugar sa San Jose del Monte City, Bulacan.
Kinilala ni NBI Director Jaime Santiago ang mga suspek na sina Angela Atayde, Marichu Lomibao at Dannel Sicat na naaresto noong Hulyo 11 sa isang nirerentahang bahay sa San Jose Del Monte City.
Ayon sa NBI, isang nurse na hindi pinangalanan ang nagsisilbi umanong lider ng sindikato ng liver trafficking sa Bulacan na patuloy pa nilang tinutugis.
Sinabi ni Santiago na mayroong nakuhang organ donor ang mga suspek ngunit hindi siya binayaran. Bunsod nito,
nagsumbong sa NBI ang donor sanhi upang magkasa ng pagsalakay at nagsagip ang 9 pang biktima na naaktuhan sa lugar.
Sa nasabing bilang na nasagip, apat dito ay nakuhanan na ng “kidney” at lima ay inihahanda na para sa operasyon.
Umamin naman ang dalawa sa mga suspek na dati rin silang donor ng kidney at sumama na sila sa operasyon kalaunan dahil sa pag-aakalang ito ay legal at dahil na rin sa pangangailangan sa pera.
Sa imbestigasyon ng NBI, ginagawa ang transaksyon sa social media kapalit ang bayad na P200,000 at ginagawa ang ilegal na operasyon sa malalayong lugar.
Dagdag ni Santiago, ang mga suspek ay sinampahan na ng paglabag sa Section 4 ng Expanded Anti Human Trafficking Act.