Komadrona, 3 pa tiklo sa abortion sa Caloocan

Arrested stock photo.
Philstar.com / Jovannie Lambayan

MANILA, Philippines — Arestado ng mga tauhan ng Northern Police District Anti-Cyber Crime Unit ang isang komadrona at tatlo pang kasamahan nito na nahuli sa aktong nagsasagawa ng abortion sa Caloocan City.

Hindi umubra  ang tahol ng mga aso upang pasukin ng mga awtoridad ang isang  paupahang bahay at huli sa akto ang isinasagawang abortion sa isang pasyente.

Ayon kay Capt. Santiago Roy, team leader ng Anti Cyber Crime team ng Northern Police District nakatanggap sila ng impormasyon na may nag-aalok na serbisyo online ng abortion.

Kanila itong beneripika hanggang sa ikasa ang  operasyon at isang  pulis ang  nagpanggap na mag-papa-abort.

Sa usapan sa messenger ipinaliwanag ng komadrona ang proseso ng  abortion at tiniyak na malinis ang kanilang mga gagamiting aparatus at legal ang gamot.

Dagdag pa ng komadrona, hindi sila scammer  kaya walang dapat na ikatakot.

Umaabot sa P16,000 hanggang P20,000 ang bayad ng  abortion na kadalasang ang  kliyente ay mga estudyante.

Inamin naman ng  komadrona na  siya mismo ang gumagawa ng  abortion dahil na rin sa pagnanais nitong makatulong.

Isang buntis ang inabutan sa kama na tinurukan na ng pampalaglag at hinihintay na lamang na humilab ang tiyan. Dinala na siya sa ospital matapos masagip.

Nahaharap sa kasong medical malpractice act at pharmacy law  ang komadrona habang inihahahda rin ang kaso laban sa 3 iba pa.

Show comments