MANILA, Philippines — Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang 14 na Nigerian national na hinihinalang sangkot sa mga aktibidad ng pandaraya.
Sinabi ni Fortunato Manahan Jr., BI intelligence division chief, ang joint operations ng BI intelligence operatives na sinuportahan ng local law enforcement ay nangyari sa loob ng isang gated sa Las Piñas City.
Sinabi ni Manahan, ang pagkahuli ng mga Nigerian ay batay sa intelligence community information na nag-uugnay sa mga suspek sa maraming mapanlinlang na pakana.
“Our intelligence division has been closely monitoring these individuals. They were reportedly involved in love scams, online scamming, and credit card fraud,” sabi ni Manahan.
Sinabi ni Manahan na ang kanilang unang target ay ang dalawang suspek na kinilalang sina Godswill Nnamdi Chukwu, 32, at Justin Chimezie Obi, 30. Gayunpaman, 12 pang Nigerian ang natagpuan sa paligid.
Bukod rito, natuklasang pawang mga overstaying na rin sa bansa ang 14 na Nigerian, na paglabag sa mga kondisyon ng kanilang pananatili, kaya agad silang inaresto.
Binigyang-diin ni Immigration Commissioner Norman Tansingco, hindi kukunsintihin ng BI ang anumang uri ng mapanlinlang na aktibidad mula sa mga dayuhan.
Lahat ng 14 na suspek ay mananatili sa holding facility ng BI sa loob ng Camp Bagong Diwa, Taguig, habang nakabinbin ang deportation.