6 kinasuhan sa panggugulo sa Wattah Wattah Festival

MANILA, Philippines — Kinumpirma ni San Juan City Mayor Francis Zamora kahapon na sinampahan na nila ng kaso ang anim na katao na una nang inaresto matapos na magdulot ng abala at mang-harass ng mga tao sa kasagsagan ng selebrasyon ng Wattah! Wattah Festival! sa lungsod noong Hunyo 24.

Ayon kay Zamora, matapos na arestuhin noong araw mismo ng pista ay kaagad ring sinampahan ng kaso ang anim sa piskalya kabilang ang isang lala­king nanaboy ng muriatic acid sa ilang residente na nambasa sa kanya.

Sinabi ni Zamora na personal din niyang sinamahan sa City Pro­secutor’s Office upang maghain ng reklamo ang isang delivery rider na binasa na ay binatukan pa ng isang residente habang nagtatrabaho ito.

Kabilang aniya sa mga isinampang kaso ay unjust vexation, malicious mischief at slander.

Dahil sa insidente, magtatakda na lamang umano ang lokal na pamahalaan ng mga lugar bilang Basaan Zone sa pagdaraos uli ng festival sa susunod na taon.

Show comments