MANILA, Philippines — Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) chief, PGen. Rommel Francisco Marbil na may kalalagyan ang mga pulis na mahuhuling nagmu-moonlighting bilang mga bodyguard o security escort ng mga mayayaman at sikat na indibiduwal o mga very important persons (VIPs).
Ayon kay Marbil, hindi dapat nalilimita sa isang indibiduwal o VIP ang pagseserbisyo ng mga pulis.
Binigyang-diin ni Marbil ang katapatan sa paglilingkod ng mga pulis ay dapat na nakatuon sa mga Pilipino at hindi sa mga may kakayahang maglabas ng malaking halaga ng pera upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Aniya, ang pulisya ay dapat na handa sa lahat ng oras upang tugunan ang mga pangangailangan at alalahanin ng publiko.
Inilabas ni Marbil ang kautusan kasabay ng pagpapakalat ng hindi bababa sa 85 porsiyentong mga pulis sa mga lansangan at komunidad upang matiyak ang kaligtasan ng sambayanan.
Giit ng PNP chief, mas kailangan ang maraming pulis sa lansangan at hindi sa opisina.
Matatandaang ilang pulis ang nasibak at sinampahan ng kaso matapos silang mahuli na nag-escort ng mga pribadong indibidwal, at guma mit pa ng mga sasakyan ng PNP sa kanilang mga illegal na aktibidad.