294 balikbayan boxes inabandona, nakaimbak lang sa bodega – BOC

MANILA, Philippines — Umaabot na umano sa 294 ang mga balikbayan boxes na ipinadala ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas, ngunit nananatili pa ring unclaimed at nakaimbak sa bodega ng Bureau of Customs (BOC) sa Sta. Ana, Manila.

Kaugnay nito, nanawagan ang BOC sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang mga pamilya na kuhanin na ang mga naturang balikbayan boxes na ibiniyahe patungong Pilipinas noon pang nakaraang taon.

Sa isang kalatas kahapon, sinabi ng BOC na inabandona ng mga forwarder ang mga balikbayan boxes matapos na makolekta ang kanilang bayad mula sa ibayong dagat.

Anang BOC, ang mga balikbayan boxes ay dumating sa Pilipinas mula sa Kuwait noong Pebrero 12, 2023 at kasalukuyan pa ring nakaimbak sa kanilang bodega.

Sa mga naturang abandonadong balikbayan boxes, naipamahagi na umano ng BOC ang 450 boxes.

Dagdag pa nito, maaaring i-check ng mga OFWs at kanilang mga kaanak sa website ng BOC, kung kasama dito ang kanilang balikbayan boxes.

Show comments