2 lalaking armado, arestado sa pagbabanta

MANILA, Philippines — Kalaboso ang dalawang lalaki nang pagbantaan ang buhay ng isang residente ng Makati habang may hawak ng baril, Linggo ng madaling araw.

Kinilala ang mga suspek sa alyas na “Aidzel”, 22-anyos; at alyas “Marc”, 20-anyos, residente rin ng Makati City.

Naganap ang pag-aresto alas-3:10 ng madaling araw ng Hunyo 30, sa panulukan ng Salamanca at Eduque Sts., na agad namang nagpasaklolo sa pulisya.

Sa ulat ng Poblacion Police Sub-station, idinulog ng isang lalaki ang ginawang pagbabanta ng dalawang suspek nang walang dahilan habang nagpapakita pa ng baril.

Nang respondehan ang lugar, nadatnan ng mga pulis ang mga suspek na magkasama habang may hawak na baril ang isa kaya agad silang inaresto.

Nasamsam sa suspek ang isang kalibre .38 baril na may serial number 775357 na kargado ng anim na bala.

Show comments