MANILA, Philippines — Naharang ng mga tauhan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang isang South Korean na mula sa Tokyo, Japan nang mabisto sa kanyang bagahe ang milyun-milyong halaga ng Japanese yen na hindi niya dineklara.
Ayon kay Customs assistant deputy collector for passenger services Mark Almase, nadiskubre sa X-ray inspection ang itinagong 47 milyong Japanese yen na katumbas ng $292,307 o mahigit P17 milyon, ng dayuhang si Kim Tae-hyun, sa kanyang check-in luggage.
Nang tanungin ang Korean kung siya ay mayroong dapat ideklara at idaan sa scan ng Customs General Declaration QR code, “no” lamang ang naisagot nito.
Inimbitahan siya sa exclusion room para sa physical examination ng bagahe ng Customs Enforcement Security Service (ESS), Customs police at airline flight supervisor, kung saan nadiskubre ang mga bundle ng Japanese yen bills na nakabalot sa itim na tela kasama ng diving gear.
Paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act ang nilabag umano ni Kim at kukumpiskahin ang nasabing salapi alinsunod sa National Anti-Money Laundering and Counterterrorism Proliferation Financing Strategy.
Naiturn-over na sa Baggage Assistance Division ang mga yen habang si Kim ay sasailalim sa inquest proeedings sa Pasay City Prosecutor’s Office.