MANILA, Philippines — Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa posibilidad na magamit sa susunod na halalan ang perang galing sa illegal na operasyon Philippine Offshore Gaming Operation (POGO).
Ayon kay Interior Secretary Benhur Abalos, posibleng makaapekto ang election funds na galing sa illegal activities sa nalalapit na halalan. Nakakatakot aniya na ang mga perang galing sa illegal ay maglagay ng mga corrupt na pulitiko at local officials.
Nabatid sa record ng PAOCC na kumikita ng P2 bilyon kada buwan ang operasyon ng illegal POGOs.
Binigyan diin naman ni PAOCC Spokesperson Winston Casio, na madali na lamang makakuha ng permit mula sa LGU kung corrupt ang pulitiko. Hindi na aniya kailangan pa ang mga dokumento dahil nabiyayaan ito ng pondo mula sa POGO.
“Bulag, pipi ang bingi ang isang corrupt na pulitiko kapag nasusuhulan ng magpo-POGO,” ani Casio.
Muli ring nagbabala si Abalos sa mga LGUs na masasangkot sa illegal activities ng POGO.
Sinabi ni Abalos na nagbaba na siya ng memorandum circular na nag-aatas sa Philippine National Police at local government units na magkatuwang na labanan at puksain ang ilegal POGOs sa bansa.
Aniya, ang sinumang local officials na mapapatunayang nakikipag-sabwatan o protektor ng iligal na POGO ay tiyak na makakasuhan. Inihalimbawa pa niya si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na una nang sinuspinde ng Office of the Ombudsman at kinasuhan dahil sa umano’y koneksyon nito sa scam farm na Zun Yuan Technology Incorporated.