MANILA, Philippines — Nagbabala ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa mga operators o nagmamay-ari ng mga pinalilipad na drone malapit sa Ninoy Aquino International Airport na nagdudulot ng matinding panganib sa kaligtasan ng tao at sa posibleng banggaan ng mga eroplano sa himpapawid.
Ayon sa MIAA, nakatanggap sila ng ulat na may hindi awtorisadong aktibidad ng drone sa loob ng 10 kilometrong aerodrome radius na umaali-aligid sa NAIA.
Base sa ulat noong 2023, mayroong 10 naitalang nakakita ng mga hindi lisensyadong drone operations, habang may apat na naiulat sa unang quarter ng 2024.
Paliwanag ng MIAA, ang pagpapatakbo ng mga drone sa loob ng pinaghihigpitang radius na ito nang walang wastong awtorisasyon ay nagdudulot ng malaking panganib sa kaligtasan, kabilang ang mga potensyal na banggaan sa sasakyang panghimpapawid, na maaaring magresulta sa matinding pinsala at panganib sa buhay ng mga tao.
Pinapayuhan ng MIAA ang lahat ng drone operators na dapat nilang malaman at sundin ang lahat ng nauugnay na paghihigpit na itinakda ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Ang mga lumalabag sa mga regulasyon ng CAAP sa pagpapatakbo ng drone ay maaaring magresulta sa malubhang legal na kahihinatnan, kabilang ang malaking multa at pagkakulong.
Hinihikayat ng MIAA ang publiko na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad ng drone sa loob ng itinakdang radius sa pinakamalapit na lokal na awtoridad.