P2.5 milyong DSWD cash aid, food packs sa Tondo fire victims, kasado na

MANILA, Philippines — Upang mapabilis ang pagbibigay ng tulong sa mga nasunugang pamilya, minobilisa ng tanggapan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang agarang pagpapalabas ng P2.5 milyong cash assistance at food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para maipamahagi na sa mga biktima ng sunog sa Brgy. 58, Tondo, Manila.

Ayon kay House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong “ Gabonada Jr., nasa 125 pamilya ang nasunugan noong Hunyo 16 sa Brgy. 58, Tondo.

Sinabi ni Gabonada na ang bawat pamilyang biktima ay nakatanggap ng P20,000 nitong nakalipas na Biyernes sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program na ipinaabot sa tulong ni Manila 1st District Rep. Ernesto “Ernix“ Dionisio Jr.

Ayon kay Gabonada, ang Office of the Speaker katuwang sina Tingog Partylist Reps. Yedda Romualdez at Jude Acidre, chairman ng House Committee on Overseas Workers Affairs ang nagsaayos ng 400 food packs para sa mga biktima ng sunog mula naman sa personal calamity funds ng mga mambabatas.

Idinagdag ni Gabonada, may karagdagang alokasyon din mula sa AICS program ang inihanda upang matiyak na kada pamilya na naapektuhan ng sunog ay makatatanggap ng P20,000 bilang tulong sa kanila upang makarekober at muling tumayo.

Show comments