Chinese manager ng online betting firm, arestado

MANILA, Philippines — Arestado ang isang puganteng high profile Chinese national ng pinagsanib na puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Bureau of Immigration (BI), sa Para­ñaque City, Miyerkules ng gabi.

Sa ulat kay NCRPO Director P/Major Gene­ral Jose Melencio Nartatez Jr., ang dinakip ay kinilalang si Zhu Ting­yun, 43, sinasabing pinuno ng isang iligal na gambling company, at residente ng Barangay Tambo, Parañaque City, ay matagal nang nagtatago sa batas.

Ayon sa Fugitive Search Unit (FSU) ng BI, noong Marso 2, 2023 nang isyuhan ng outstanding warrant of arrest si Zhu ng Guangxi Cangwu Public Security Bureau, kaugnay sa pagpapatakbo ng iligal na pasugalan o paglabag sa Article 303 ng Criminal Act of the People’s Republic of China.

Nabatid na alas-11:10 ng gabi ng Hunyo 19, 2024 nang maaresto si Zhu  sa Quirino Ave­nue, Barangay Tambo, Parañaque City ng kinatawan ng Chinese Minis­try of Public Security, FSU-BI, at Parañaque sa bisa ng Memorandum Order No. 2024-093, na may petsang Hunyo 14, 2024.

Sinabi ng Political Attache ng Embahada ng People’s Republic of China sa Maynila na isang undesirable alien si Zhu.

Sa imbestigasyon, napag-alaman na si Zhu ay Senior Manager sa iligal na gambling company sa Pilipinas na nagpapatakbo ng mga online betting platform na may tinatayang kita na CNY 30 bilyon mula noong 2016.

Show comments