MANILA, Philippines — Magbibigay ng pabuyang P10,000.00 ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa makapagbibigay ng impormasyon para maaresto ang isang lalaking nagpanggap na traffic constable at nangingikil umano sa mga motorista.
Sa panawagan ni MMDA Chairman Don Artes, sinumang makapagbibigay ng tamang impormasyon sa pangalan at tirahan ng lalaking nasa larawang ipinoste ng netizen sa social media ay makatatanggap ng P10,000 reward. Maaari aniyang magpadala ng personal na mensahe o direct message sa MMDA Facebook page.
Sinabi ni Artes na hindi kawani ng MMDA ang nasabing lalaki matapos ang beripikasyon kaya’t sasampahan nila ng kaukulang kaso.
Batay sa post ng isang netizen, nagpakilala ang lalaki na empleyado ng MMDA at hinuhuli sila sa paglabag sa batas trapiko pero nang hanapan ng ID ng motorista na kanyang hinuhuli ay bigla na lamang umalis. Nakunan naman ng video ng motorista ang lalaki at ang kanilang naging pag-uusap.
Nag-post naman ang MMDA sa kanilang official Facebook page ng larawan ng nasabing lalaking rider na nakasuot ng itim na jacket o raincoat at helmet, na malinaw ang kuha ng kaniyang mukha.