MANILA, Philippines — Suspendido bukas, Hunyo 17 ang number coding scheme sa Metro Manila kasabay ng pagdiriwang ng Eid’l Adha sa bansa.
Ito naman ang nakasaad sa advisory nitong Sabado ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang Facebook page.
Ang Eid’l Adha na idineklarang regular holiday ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa pamamagitan ng awtoridad ng Pangulo, sa Proclamation 579 na nagsasaad na ang Eid’l Adha ay isa sa dalawang pinakamalaking kapistahan ng Islam.
Sinabi nito na ang deklarasyon ng regular holiday ay ginawa sa rekomendasyon ng National Commission on Filipinos, batay sa 1445 Hijrah Islamic Lunar Calendar.
Sa ilalim ng number coding scheme, pinagbabawalan ang mga sasakyan sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng umaga at alas- 5:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi, depende sa huling digit ng kanilang mga plaka.