MANILA, Philippines — Umaabot sa P10.2 milyong halaga ng shabu ang nasabat ng mga tauhan ng Malabon City Police mula sa dalawang high value drug suspects kahapon ng madaling araw sa lungsod.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga “tulak” na sina alyas Ian, 32, at alyas Shawn, 25; kapwa residente ng Malabon.
Batay sa report ni Malabon City Police chief PCol. Jay Baybayan kay Northern Police District Director PBrig. Gen. Rizalito Gapas, isinagawa ang buy-bust operation dakong alas-12:30 ng madaling araw sa Cayco Street, Brgy. Flores.
Nang magpositibo ang transaksyon, agad na dinakma ang mga suspek at nasamsam ang nasa 1,510 gramo ng shabu na may standard drug price (SDP) na P10,268,000.
Pinuri naman ni Gapas ang Malabon City Police kasabay ng katiyakan na tuluy tuloy ang kanilang operasyon laban sa illegal drugs.