MANILA, Philippines — Kahit na maulan, dinagsa pa rin ng libu-libong indibidwal ang idinaos na “Move Manila Car-Free Sunday” ng Manila City Government sa Roxas Boulevard kahapon.
Hindi alintana ng tinatayang aabot sa mahigit 3,000 participants ang walang tigil na pag-ulan na dulot ng bagyong Aghon at sumali pa rin sa unang Linggo nang pagdaraos ng “Move Manila Car Free”.
Nabatid na sinimulan ang pagtitipon dakong alas-5:30 ng madaling araw sa South Drive-Kalaw, kanto ng Roxas Boulevard sa gilid ng Museo Pambata.
Kahit nakasuot lamang ng kapote, may dalang mga payong at mga jacket ay itinuloy pa rin ng mga kalahok ang pag-jogging at paglalakad sa lugar.
Pagsapit naman ng alas-9:00 ng umaga ay muli nang binuksan ng lokal na pamahalaan sa mga motorista ang kahabaan ng Roxas Boulevard.
Ayon kay Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna at head ng Public Information Office (PIO) ng Manila City Government, sa South Driver-Kalaw pa lamang ay nasa 500 katao na ang lumahok. Habang sa buong kahabaan ng Roxas Boulevard ay aabot naman ito sa 3,000 participants.
“As per MPD, sa South Drive-Kalaw for the Zumba Manila - approximately 500. Including the whole stretch of closed Roxas Blvd, around 3,000,” pahayag ni Abante.