MANILA, Philippines — Nasabat ng Quezon City Police District (QCPD) ang nasa higit P1.6 milyong halaga ng shabu kasabay ng pagkakaaresto sa isang bigtime drug pusher sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City.
Himas rehas sa QCPD-Project 6 Police Station (PS 15) si Ricardo Dominique Del Mundo, 21, residente ng Project 8, Brgy. Bahay Toro, Quezon City.
Sa report ni PLtCol. Richard Mepania, Station Commander ng PS 15 kay QCPD Director PBGen. Redrico Maranan, kasama ang PDEA, RO-NCR, isinagawa ang buy-bust operation nitong Biyernes dakong alas-10:30 ng gabi.
Sa mismong bahay ng suspek isinagawa ang buy-bust operation matapos na makatanggap ng impormasyon ang pulisya hinggil sa illegal drug operation ng suspek.
isang pulis ang nagsilbing poseur buyer at nakabili ng halagang P5,000 shabu mula kay Del Mundo na humantong sa pagkakaaresto nito.
Nakuha sa suspek ang nasa 240 gramo ng shabu at buy-bust money.
Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.
“Tuloy-tuloy po ang operasyon ng inyong kapulisan kontra iligal na droga dito sa ating Lungsod Quezon upang tuluyan ng matuldukan ito at maisalba ang maraming buhay”, ani Maranan.