PUV franchise consolidation hanggang April 30 na lang

Sa gilid na lang ng kalsada pumuwesto ang mga jeepney drivers at operators para himukin ang mga kapwa tsuper na makiisa sa kanilang rally sa pagsisimula kahapon ng 3-araw na transport strike laban sa PUV consolidation ng pamahalaan, sa may Caruncho Avenue, Pasig City.
Miguel de Guzman

TRO, hirit ng transport groups sa SC

MANILA, Philippines — Nagpaalala kahapon ang Department of Transportation (DOTr) sa mga tsuper at operators ng mga public utility vehicles (PUVs) na mayroon na lamang silang hanggang ngayong Abril 30, Martes, upang mag-consolidate ng prangkisa sa ilalim ng PUV Modernization Program (PUVMP).

Una nang sinabi ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. at ng DOTr na hindi na nila palalawigin pa ang naturang deadline ng konsolidasyon na unang bahagi ng PUVMP.

Ayon sa DOTr, sa sandaling magtapos ang deadline ang lahat ng PUVs na hindi nag-consolidate ay ikokonsidera nang kolorum at huhulihin kung magpupumilit na bumiyahe sa lansangan.

Nilinaw rin ng mga transport groups na hindi sila tutol sa modernisas­yon, kundi sa konsolidasyon lamang.

Nitong Lunes, si­nimulan na ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper ar Opereytors Nationwide (PISTON) ang tatlong araw na tigil-pasada upang tutulan ang konsolidasyon.

Hindi naman nakasama sa rally ang grupong Manibela ngunit umapela ito kay Pang. Marcos na pakinggan ang kanyang puso at hinaing ng mga tsuper at operators na kumakalam ang mga sikmura. 

Kahapon, muling umapela sa Korte Suprema ang PISTON, ibang transport groups, at non-governmental organizations (NGOs) na mag-isyu ng temporary restraining order (TRO) laban sa PUVMP.

Sa 17-pahinang supplemental petition sa SC, kinuwestiyon nila ang Department Order No. 2017-011 ng DOTr, na nagtatakda ng framework ng PUVMP at ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) Memorandum Circular 2023-051, na nagtatakda naman ng deadline ng consolidation.

Iginiit ng grupo na ito ay paglabag sa “constitutional rights” sa freedom of association at sa voluntary nature ng kooperatiba sa ilalim ng Republic Act No. 9250.”

Maging ang Philippine Chamber of Commerce and Industry, Trade Union Congress of the Philippines, Emplo­yers Confederation of the Philippines, Federation of Free Workers, Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa, at Philippine Exporters Confederation ay nanawagan na rin sa pamahalaan na busisiin ang PUV Modernization Program nito dahil hindi ito anila makakatulong sa kabuhayan ng maliliit na driver at operator ng mga pampasaherong jeep sa bansa.

Show comments