MANILA, Philippines — Magsasanib-puwersa na ang Department of Transportation (DOTr), Department of Interior and Local Government (DILG) at Metro Manila Development Authority (MMDA) sa isasagawang crackdown laban sa mga kolorum vehicles.
Ito’y matapos na lumagda ang DOTr ng isang tripartite cooperation agreement sa DILG at MMDA sa layuning mapaigting ang crackdown sa mga kolorum na sasakyan, bilang bahagi nang pagsusumikap nilang mapagaan ang daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Mismong sina Transportation Secretary Jaime Bautista, Interior Secretary Benhur Abalos, at MMDA Chairman Romando Artes ang lumagda sa naturang kasunduan.
Nabatid na sa ilalim ng kasunduan, ang Joint Task Force ng DOTr, DILG, at MMDA ay magsasagawa ng traffic, clearing, at anti-colorum operations sa Metro Manila.
Ayon pa sa DOTr, sasakupin din ng clearing operations ang maritime, railway, at aviation sectors.
Sinabi ni Bautista na ang pagtatanggal ng mga kolorum na sasakyan sa mga lansangan, kasabay nang pagsuporta sa mga lehitimong public utility vehicle (PUV) drivers at operators, ay makatutulong para mabawasan ang road congestion sa Kamaynilaan.