MANILA, Philippines — Nailipat na sa bagong Quezon City Jail sa Barangay Payatas ang nasa 364 Persons Deprived of Liberty (PDLs) na mga senior citizens at may karamdaman.
Ang paglilipat sa mga PDLs ay personal na isinagawa ni QC Jail Warden, JSupt. Warren Geronimo at mga opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Nabatid na ang bagong pasilidad ay may lawak na 2.4 na ektarya at may kakayahan para ma-accommodate ang higit 3,000 PDLs pa sa lumang jail facility.
Nauna nang itinurn-over ng Quezon City government sa BJMP ang bagong pasilidad upang mas mabigyan ng maayos na piitan ang mga preso.
Inayos na rin ang mga perimeter fence na makakapagtiyak sa seguridad ng pasilidad.
Dahil dito, nagpasalamat ang pamunuan ng QCJMD kay Quezon City Mayor Joy Belmonte dahil sa malaking kaginhawaan para sa mga PDL ang bagong pasilidad lalo na sa problema ng pagsisikip sa lumang QC Jail.
Tiniyak din ni Geronimo na patuloy pa rin ang kanilang decongestion program sa city jail.