Outdoor activities sa mga iskul, iwasan – Mayor Honey

Manila Mayor Honey Lacuna on July 21, 2023.
STAR/Edd Gumban

MANILA, Philippines — Nanawagan si Mayor Honey Lacuna sa mga nagpapatakbo ng mga paaralan sa Maynila na iwasan ang pagsasagawa ng mga outdoor activities na maglalagay sa mga estudyante sa matinding init at pagkalantad sa araw.

Gayunman, ipinauubaya ng alkalde sa school authorities ang pagpapasya kung anong mga hakbang ang dapat nilang ipatupad upang mabawasan ang init at matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga estudyante. Mas higit aniya, na sila ang nakakaalam kung ano ang nararapat na gawin para sa kaginhawahan ng mga mag-aaral, guro at kawani ng paaralan.

Payo ni Lacuna, bilang isang doktor, na sa peak hours  na alas-10:00 hanggang alas-4:00 ng hapon ay ang mga oras na may mapaminsalang epekto sa kalusugan.

Ginawa ng alkalde ang mga pahayag sa gitna ng pinakahuling datos ng PAGASA na nagsasabing ang heat index sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay maaaring umabot sa 46 degrees celsius sa mga susunod na araw.

Naniniwala si Lacuna na sa kabila ng matin­ding init sa panahong ito, hinihikayat pa rin niya ang mga face-to-face classes para mabawasan ang learning gap sa mga paaralan.

Hinikayat din niya ang mga awtoridad ng paaralan na tiyakin na ang kanilang mga silid-aralan ay may maayos o maayos na bentilasyon at ang mga mag-aaral ay maayos na nakakainom ng tubig.

Show comments