MANILA, Philippines — Sampu katao ang sugatan habang dalawang sasakyan ang tinamaan ng debris at nagdulot pa ng matinding tensyon sa mga residente ang pagsabog ng isang tangke ng tubig mula sa roof deck ng isang gusali sa Quirino Avenue, Barangay Tambo, Parañaque City nitong Sabado ng gabi.
Nabatid na under construction pa ang ilang palapag ng gusali, at sa ibaba nito ay isang restaurant.
Dahil umano sa pagbagsak ng mga debris ng tangke, nasira ang ilang bahagi ng gusali at nagbagsakan din ang debris paibaba na nakaapekto hanggang sa kalye at tinamaan ang isang sport utility vehicle (SUV) at isang e-trike.
Nabagsakan din ng debris ang transformer ng linya ng kuryente at kinailangang isara ang ilang kalye para sa clearing operations dahil sa idinulot ng pagsabog na nagdulot ng pagragasa ng tubig.
May 10 katao ang nasaktan at nasugatan kabilang ang isang 13-anyos na na-dislocate umano ang buto sa paa at nasugatan na kinailangang tahiin. Maghahatid lang sana ng pagkain ang menor-de-edad na biktima nang mahagip ng nagbagsakang debris.
Sabi ni Denson Cano, officer-in-charge ng Peace and Order Council ng Barangay Tambo na dinala sa ospital ang mga nasugatan sa insidente.
Patuloy na iniimbestigahan ng awtoridad ang sanhi ng pagsabog ng water tank.