MANILA, Philippines — Patay ang isang 3-taong gulang na batang babae at sugatan ang kanyang mga magulang sa banggaan ng motorsiklo sa Sta. Maria, Bulacan kahapon ng madaling araw.
Sa report na nakarating kay Bulacan Police Director PCol. Relly Arnedo, kinilala ang nasawi na si Margaux Alyson Verana, habang ang kanyang mga magulang na nagtamo ng mga pinsala ay sina Ronrick Verana at live-in partner na si Lalaine Llabore.
Sa inisyal na imbestigasyon, aksidenteng nabangga ng isang berdeng Euro Viperman 150 na motorsiklo at walang plaka na minamaneho ni Ephraim Mungcal ang motorsiklong sinasakyan ng mga biktima na kulay abong Honda Click 125 na may plakang 328CPW, dakong alas-12:17 ng madaling araw samay Crossing malapit sa Waltermart sa Barangay Santa Clara.
Isinugod sa Rogaciano Mercado Memorial Hospital sa nasabing bayan ang magpamilya ngunit kalaunan ay binawian ng buhay ang bata.
Si Mungcal na nasa kustodya ng Sta. Maria Police Station ay nahaharap sa mga kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries at damage to properties.