MANILA, Philippines — Mariing kinondena ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang hindi maayos na dispersal na ginawa ng mga pulis sa mga estudyanteng nagkasa ng kilos protesta sa harap ng House of Representatives kahapon.
Ito ay reaksyon ni Mayor Belmonte sa kumakalat na video hinggil sa umano’y hindi makatwirang dispersal ng mga pulis sa mga mag-aaral na nakita sa video na itinulak at hinampas ng ilang pulis ang mga mag-aaral ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) habang nagpapahayag ng kanilang saloobin kaugnay sa mahalagang isyu sa Kamara.
Ayon kay Mayor Belmonte, walang puwang sa lungsod ang ganitong uri ng pag-aksyon lalo pa‘t kilala ang Quezon City bilang malayang lugar para sa pagtitipon at pagpapahayag saloobin ng iba’t ibang grupo.
Dahil dito, kinausap at pinaalalahanan ni Mayor Belmonte si QCPD chief, B/Gen. Redrico Maranan na hindi niya kukunsintihin ang ganitong gawain ng mga pulis.
Bilang tugon, agad na kinausap ni Gen. Maranan ang Internal Affairs Service ng QCPD upang imbestigahan kung may nagawang paglabag sa police operational procedures ang mga pulis sa naturang insidente.
Pinulong din ni Maranan ang station commander ng Batasan Police at inatasan na pagsabihan ang kaniyang mga tauhan hinggil sa nararapat na aksiyon sa mga nagsasagawa ng kilos protesta sa kanilang area of responsibility.