DENR, DA kakalampagin ngayon ng mga protesters
MANILA, Philippines — Dahil sa matinding delubyo ng landslide na kumitil ng 37 buhay sa Davao de Oro at matinding inflation sa presyo ng bigas, nakatakdang magdaos ngayong Pebrero 12 ng kilos protesta ang militanteng grupo sa pangunguna ng Gabriela sa tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Agriculture (DA) sa Quezon City.
Ayon sa Gabriela, dakong alas-9 ng umaga ang kanilang itinakdang rally sa nasabing mga tanggapan upang kalampagin ang DENR sa matinding delubyo ng landslise sa Brgy. Masara, Maco, Davao de Oro.
Sinabi ng Gabriela na dahil umano sa pagmimina ng Apex Mining Company ay naningil na ang kalikasan sa mga residente ng Brgy. Masara, Maco ng lalawigan.
Bukod sa Gabriela, kabilang pa sa mga makikiisa sa kilos-protesta ay ang grupo BAI Indigenous Women’s Network at Amihan National Federation of Peasant Women.
Samantalang ang grupo ay magmamartsa rin sa harapan ng tanggapan ng DA bilang protesta sa mataas na presyo ng bigas sa bansa.
Ayon sa Gabriela, ang Philippine Statistics Authority (PSA) na mismo ang nagulat sa pagsirit ng presyo ng bigas nitong Enero na pinakamataas na inflation rate ng nagdaang buwan.
Inihayag ng Gabriela na kung hindi pinayagan ng DENR ang pagmimina sa komunidad ng Brgy. Masara ay hindi magkakaroon ng landslide sa lugar kung saan ilang kabahayan, mga bus at mga taong nalibing ng buhay ang naging biktima sa trahedya.
Idinagdag pa ng grupo na masyadong mataas pa rin ang presyo ng bigas at hindi pa abot ang pangako ng administrasyon na P20 kada kilo sa hapag kainan ng mga pamilyang Pinoy.
- Latest