Lolo wanted sa pagpatay sa parking boy, timbog

MANILA, Philippines — Matapos ang isang taong pagtatago, nadakip ng mga tauhan ng Marikina City Police ang 80-taong gulang na lalaki na wanted sa pagpaslang sa isang parking boy noong 2022 sa naturang lungsod.

Dinayo pa ng mga pulis-Marikina ang suspek na si Reynerio del Rosario sa probinsya ng Nueva Ecija para ihain sa kaniya ang warrant of arrest  sa kasong murder nitong Miyerkules ng gabi.

Sinabi ni Eastern Police District Director, PBGen. Wilson Asueta na nalaman nila na may mga kaanak sa Nueva Ecija ang suspek na maaari niyang tinutuluyan.  Sa intelligence gathering, nagpositibo na nagtatago nga siya sa mga kaanak.

Nabatid na isang cigarette vendor sa Marikina ang suspek at nagawang masaksak ang hindi pinangalanang parking boy na nambu-bully umano sa kaniya.

Nagtitinda pa ng sigarilyo sa isang bangketa ang suspek nang masakote ng mga pulis sa Nueva Ecija. Dito inihain sa kaniya ang warrant at saka idiniretso sa Marikina City Police para kaharapin ang kaniyang kaso sa korte.

Show comments