MANILA, Philippines — Lumalabas na atake sa puso at “multiple organ failure” dulot ng cancer ang dahilan ng pagkamatay ng nag-iisang elepante sa Pilipinas na si “Mali” na iniregalo pa noon kay dating First Lady Imelda Marcos, nitong Martes ng hapon.
Sinabi ni Manila Zoo Chief Veterinarian Dr. Heinrich Domingo na base ito sa ginawa nilang necropsy sa bangkay ni Mali. Inilarawan niya na may nakabara na makapal na taba sa aorta nito na posibleng dahilan para hindi mabomba ang dugo sa ibang parte ng katawan.
Bukod dito, may mga nadiskubreng nodules sa atay na posibleng cancer, matigas na ang pancreas, at inflammed ang kidney.
Inamin naman ni Domingo na nitong Martes ng gabi lang nila nadiskubre ang naturang mga sakit ni Mali dahil sa hindi naman umano nagpapakita ang mga hayop na may problema sila sa katawan hindi kagaya ng mga tao.
Ikinuwento niya na nag-umpisang maging iritable si Mali nitong Biyernes at nawalan ng ganang kumain ng Sabado habang inihahagod ang kaniyang trunk sa pader. Nang sumapit ang Lunes, naubos naman nito ang kaniyang pagkain hanggang pagsapit ng Martes ay bigla na lamang humiga at nawalan na ng buhay pasado alas-3 ng hapon nitong Martes.
Habang nangyayari ito, sinabi ni Domingo na binigyan nila ang elepante ng antihistamine, vitamin supplements at pinilit na lagyan ito ng IV fluid na itinutulak lamang ng katawan ng hayop.
Nilinaw naman ni Manila Mayor Honey Lacuna na si Mali ay ibinigay ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa pangangalaga ni dating Mayor Ramon Bagatsing Sr. noong Mayo 14, 1981 makaraang iregalo ng gobyerno ng Sri Lanka kay dating First Lady Imelda Marcos.
Iba pa umano ang elepante na si Shiva na nai-donate sa Manila Zoo noong 1977 at namatay noong 1990s sa edad na 26-27.
Lumalabas na 43-taong gulang si Mali nang pumanaw kamakalawa na pasok sa lifespan ng elepante na nasa 40-45 taon lamang, ayon pa kay Dr. Domingo.