MANILA, Philippines — Patay ang isang babae nagdiriwang ng kaarawan matapos umanong gilitan ng kanyang live-in partner, kamakalawa ng gabi sa loob ng isang apartelle sa Caloocan City.
Tumanggi munang ibunyag ng pulisya ang pagkakakilanlan sa biktima na nasa 32-taong gulang dahil hindi pa umano alam ng pamilya nito ang insidente.
Batay sa imbestigasyon pumasok dakong alas-3 ng hapon ang biktima at suspek sa isang apartelle na nasa Bagong Silang Caloocan City, noong nakaraang Miyerkules sa mismong kaarawan ng una.
Alas-7 ng gabi nang makarinig ng komosyon ang ilang staff ng nasabing apartelle sa kuwarto ng dalawa na nang puntahan ng staff ng apartelle ay doon natuklasan na nilaslas na ang leeg nito at sugat sa kaliwang palasinsingan.
Ayon naman kay Caloocan City Police chief PCol. Ruben Lacuesta, sa isinagawang follow-up operations ng mga pulis, lumalabas na live-in partner ng biktima ang suspek.
Tinitignan nila ngayon na selos ang motibo sa pamamaslang.
Nakuha sa crime scene ang mga ID ng biktima, dalawang wasak na cellphone, kutsilyo at replica na baril.
Pinaghahanap pa rin ng pulisya ang suspek.