Makati finalist sa 2023 World Smart Cities Award

MANILA, Philippines — Ipinagmalaki ni Makati City Mayor Abby Binay ang pagi­ging finalist ng lungsod at nag-iisa sa Pilipinas at Asia-Pacific Region sa City Award category ng 2023 World Smart Cities Awards.

Ayon sa alkalde, ang entry ng lungsod na pinamagatang “Makati City’s IoT Re­volution: Empowering the City to Become Better Stewards of Energy & Environment” ay nagpapakita ng makabagong pamamaraan ng paggamit ng lungsod ng smart initiatives upang matugunan ang mga hamon sa panahong ito.

Labis aniyang ikinararangal ng Makati na mapabilang sa top six finalists sa prestihiyosong kategorya ng 2023 World Smart Cities Awards. Ito ang nag-iisang lungsod sa bansa at sa buong Asia-Pacific region na napabilang sa finalists.

Ayon kay Mayor Abby, first time ng Makati na maging finalist sa City Award category. Isa itong malaking tagumpay dahil mas mahigpit at mahirap makapasok sa naturang kategorya, kumpara sa ibang ka­tegorya kabilang ang Innovation, Leadership, at Project.

Ang iba pang kakumpitensya ng Makati sa naturang kategorya ay ang mga lungsod ng Sunderland, United Kingdom; Cascais, Portugal; ?zmir, Turkey; Curitiba, Brazil; at Barranquilla, Colombia.

Dadalo si Mayor Abby sa awarding ceremony sa November 8 sa Fira Barcelona Gran Via, isa sa pinakamalaking fair venues sa Europe.

Sinabi ng alkalde na magsisilbi itong plataporma hindi lamang para maipakita ang mga tagumpay ng Makati, kundi para maibahagi ang mga kabatiran, matuto sa iba, at magsulong ng international collaboration tungo sa pagbuo ng mga smart at sustainable cities sa buong mundo.

Samantala, gagawing IoT platfor­­m ang Makati Command Control and Communications Center (C3) para sa mas maayos na pamamahala ng assets at disaster risk reduction and res­ponse ng lungsod.

Show comments